DOH: Delta variant, kalat na sa lahat ng lugar sa NCR
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na lahat ng lungsod sa National Capital Region (NCR) ay mayroon ng kaso ng delta variant ng COVID-19.
Ayon kay Health Usec, Ma. Rosario Vergeire, sa kabuuan ay nasa 331 kaso ng Delta variant ang naitala sa bansa.
Sa datos ng DOH sa ngayon ay 11 na lang ang aktibong kaso ng delta variant sa bansa.
Ang 311 rito ay nakarekober na habang nasawi naman ang siyam.
Ayon kay Vergeire, sa 16 na rehiyon sa bansa, siyam na rehiyon ang may naitalang kaso ng delta variant.
Sa ngayon, may apat na variant of concern ng COVID-19 ang mayroon na sa bansa.
Ito ang Alpha na unang natukoy sa United Kingdom, Beta na unang natukoy sa South Africa, Delta na unang natukoy sa India at Gamma na unang natukoy sa Brazil.
Sinabi ng DOH na sa mga variant na ito ang Delta ang pinakanakakahawa kung saan ang isang taong infected nito ay kayang makapanghawa ng 8 katao sa loob lang ng ilang segundo.
Ang Beta variant naman ang maituturing na most common o may pinakamaraming kasong naitala sa bansa na nasa 2,268. (18 active,75 death, 2,171 recovered).
Madelyn Moratillo