DOH, ginunita ang ika-119 na anibersaryo, “all for health, towards health for all” lalo pang paiigtingin
Hinikayat ng DOH ang publiko na suportahan ang mga programang pangkalusugan na kanilang inilulunsad upang matamo ang mithiin ng kasalukuyang administrasyon na “all for health, towards health for all”.
Ito ang binigyang diin ni Health Secretary Paulyn Ubial kaugnay ng pagsapit ng ika-119 na anibersaryo ng DOH.
Sinabi pa ni Ubial na kailangang mangarap at maniwalang makakamtan ang kalusugan para sa lahat.
Kabilang aniya sa milestone ng DOH ay ang pagpapaunlad ng financial security upang ang lahat ay makatanggap health care services.
Sa programa nilang tinawag na DOH’s Medical Assistance Program o MAP, sinabi ni Ubial na mahigit sa pitong daang libong pasyente ang napagkalooban nila ng financial assistance.
Noon namang Enero, 2017, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 12 tungkol sa Family Planning Program na dito ay nag isyu ang DOH ng Administrative Order 2017-0005 bilang suporta sa nilagdaan ng Pangulo.
May naitatag din ang DOH na Hopeline na tutugon sa problema ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtawag dito.
May mga naitala na ring infectious diseases-free provinces ang DOH.
Isang magandang balita rin na mahigit sa isang milyong Pilipino ang tumigil sa paninigarilyo, at ito ay dahil na rin sa maraming bilang ng tobacco control interventions halimbawa ay ang tobacco taxation na nagpakita ng pagbaba ng bilang ng mga smoker mula 17 million noong 2009 na naging 15. 9 milyon na lamang noong 2015.
Ulat ni: Anabelle Surara