DOH, iginiit na hindi kailangang maglockdown sakaling magkaroon ng kahit isang COVID-19 case sa paaralan

Aminado ang Department of Health sa posibilidad ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa oras na magsimula na ang face -to-face classes.

Karaniwan naman ito ayon kay DOH Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire kapag mataas ang mobility o bilang ng mga lumalabas ng bahay.

Pero hindi aniya dapat na mangamba ang mga magulang dahil naglatag naman sila at ang Department of Education ng mga paraan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Sakali mang magkaroon ng kahit isang kaso ng COVID-19 sa isang eskuwelahan, nilinaw ni Vergeire na hindi naman kailangan maglockdown.

Ang mahalaga aniya ay agad magsagawa ng contact tracing at payuhan.

Ang mga guro naman papayuhan kung paano makakaiwas sa impeksyon.

Para naman sa mga nagkaroon ng exposure lalo ang wala pang bakuna, papayuhang mag-isolate sa bahay.

Imomonitor nalang aniya ito kung magkakaroon ng sintomas.

Apela naman ni Vergeire sa mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak kontra covid-19.

Sa datos ng DOH, aabot palang sa 9.7 milyong nasa edad 12 hanggang 17 anyos ang nababakunahan kontra COVID- 19, habang may 4.2 milyon naman sa mga nasa edad 5 hanggang 11 anyos.

Madelyn Villar-Moratillo

Please follow and like us: