DOH, inamin sa Kamara na masyadong mababa pa ang COVID-19 booster dose ng bansa
Aabot lamang sa 21% ang COVID-19 booster dose accomplishment sa bansa.
Ito ang iniulat ng Department of Health ( DOH ) sa briefing ng House Committee on Health.
Ayon kay Dr. Alethea De Guzman ng DOH vaccination program, nakamit na ng Pilipinas ang mahigit 90% ng COVID-19 vaccinated adult population.
Inamin ni Dr. De Guzman na talagang mababa pa ang bilang ng mga natuturukan ng booster dose laban sa COVID-19.
Kabilang sa mga rason kung bakit hindi nagpapa-booster ang karamihan sa mga Pilipino ay:
Una, 9 mula sa 10 Pinoy ay overconfident sa proteksyon ng primary series ng COVID-19 vaccine .
Ikalawa, nakaranas sila ng side effects sa unang turok ng primary series.
Ikatlo, takot o may pangamba sa gastos kapag nagkaroon ng side effects ang booster dose.
Ikaapat, pakiramdam ng mga tao ay hindi na kailangan ang booster shots dahil hindi requirement sa trabaho o paaralan.
Sa tala ng DOH, mahigit 72 milyon na ang mga Pilipino na fully vaccinated kontra COVID-19 o 92.3% ng target population.
Niliwanag ng DOH na pagdating sa mga indibiduwal na naturukan ng booster dose ay halos 17 milyon pa lamang ang nabakunahan mula sa mga tumanggap ng primary series ng anti COVID -19 vaccine.
Vic Somintac