DOH, kinumpirma na bumababa na ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa
Kinumpirma ng Department of Health na pababa na ang trend ng mga kaso ng Covid-19 infection sa bansa.
Nitong mga nakalipas na araw, nasa mahigit 9,000 hanggang mahigit 10,000 bagong kaso ng Covid-19 na lamang ang naitatala ng DOH.
Bago kumpirmahin, sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na nagsagawa sila ng mga pag-aaral para makasigurong bumababa na talaga ang mga kaso at hindi lamang ito artificial.
Nitong mga nakaraan ay bumaba kasi aniya ang output ng Covid-19 laboratories dahil sa mas maraming LGU na ang mas gumagamit ng antigen test.
Sa tanong naman kung kasabay ng pagbaba ng mga bagong kaso sa bansa ay tapos na rin ang surge na dulot ng Delta variant, iginiit ni Vergeire na patuloy pa ring may mga naitatalang kaso ng Delta sa ginagawang sequencing ng Philippine Genome Center.
Binigyang-diin ng Health official na hindi dapat maging kampante ang publiko.
Mahalaga pa rin aniya ang pagsunod sa health protocols at pagpapabakuna kontra Covid-19 kung may pagkakataon.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni Food and Drug Administration Dir. Gen. Eric Domingo ang publiko na huwag matakot sa bakuna dahil ligtas ito at dumaan sa masusing pag-aaral ng mga eksperto bago naaprubahan.
Katunayan, sa September 26 Adverse Effects Following Immunization report ng FDA, sa 20.3 milyong fully vaccinated dito sa bansa, 516 breakthrough infections lamang ang kanilang naitala.
Ang breakthrough infections ay iyong mga nagpositibo sa virus mahigit 14 na araw na ang nakalilipas mula ng matanggap ang 2nd dose ng bakuna.
Sa datos ng FDA, pinakamataas na porsyento ng nagkaroon ng breakthrough infections ay sa mga nasa edad 18 hanggang 29 anyos.
Karamihan sa mga ito naturukan ng Covid 19 vaccine ng Sinovac.
May 14 naman sa fully vaccinated na ito ang nasawi.
“All of them were senior citizens except one. There was one person in the late 50’s… Many of them had comorbidities like diabetes and hypertension“.
Nilinaw naman ni Domingo na sa mga brand ng Covid -19 vaccine na ginagamit sa bansa, pinakamarami sa nakikitaan ng breakthrough infection ang bakuna ng Sinovac dahil ito ang pinakamaraming bilang ng doses na nagamit sa bansa.
Lahat aniya ng bakuna na ginagamit sa bansa ay epektibo kontra Covid-19 kaya walang dapat ipangamba ang publiko.
Madz Moratillo