DOH may babala sa mga manufacturer, distributor at supplier na magbibigay ng hindi rehistradong COVID-19 vaccine
Binalaan ng Department of Health ang mga manufacturer, distributor at supplier na magbibigay ng bakuna para sa covid 19 kahit hindi pa ito rehistrado sa Food and Drug Administration.
Una rito, napaulat na nabakunahan umano ng COVID-19 vaccine sina Senador Panfilo Lacson at Cong. Martin Romualdez.
Bagamat pinabulaanan naman ito ni Lacson.
Ayon kay Health Usec Ma. Rosario Vergeire, may karampatang parusa laban sa mga magbibigay ng hindi rehistradong bakuna.
Paalala ng opisyal sa mga manufacturer, distributors o suppliers, hintayin na lamang muna na matapos ang mga clinical trial at marehistro ang anumang bakuna kontra COVID-19 bago sila mamahagi o magbenta o magbigay nito.
Muli namang nilinaw ni Vergeire na wala pa ring aprubadong bakuna laban sa COVID-19.
Kaya payo nito sa publiko, maging maingat at hintayin nalang ang opisyal na anunsyo mula sa pamahalaan.
Sa Disyembre inaasahang masisimulan na ang solidarity trial ng World Health Organization para sa COVID-19 vaccine.
Kabilang sa International clinical trial na ito ang Pilipinas.
Madz Moratillo