DOH, muling nagbabala sa publiko sa leptospirosis
Kasunod ng ilang araw na halos walang tigil na buhos ng ulan sa ilang lugar sa bansa, muling nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa sakit na leptospirosis.
Sa abiso ng DOH, kung hindi maiiwasang lumusong sa baha, gumamit ng bota lalo na kung may sugat.
Pero kung hindi naiwasan at na-expose sa baha, hugasan agad ng malinis na tubig at sabon ang paa.
Kung mayroon namang sugat nang lumusong sa baha, agad makipag-ugnayan sa barangay health centers para mabigyan ng prophylaxis.
Ang leptospirosis ay nakukuha mula sa ihi ng hayop gaya ng daga.
Kabilang sa sintomas ng leptospirosis ay lagnat, masakit na kasu-kasuan, pananakit ng tiyan at iba pang sintomas.
Sa datos ng DOH, mula noong Enero hanggang Hulyo ng taong ito umabot na sa 1,078 kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa.
Ang 165 rito, naitala mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 23 na kasagsagan ng mga pag-ulan sa bansa.
Sa nasabing panahon, kabilang sa nakitaan ng mataas na kaso ng leptospirosis ay ang National Capital Region, Cagayan Valley at Central Luzon.
Mula noong Enero hanggang Hulyo, may 156 na ang naiulat na nasawi sa bansa dahil sa leptospirosis.
Madelyn Villar-Moratillo