DOH, muling nagpaalala sa mga health care institution sa tamang pagtatapon ng basura
Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga healthcare institution gaya ng mga ospital at clinic hinggil sa tamang pagtatapon ng tinatawag na healthcare waste.
Ang paalala ay ginawa ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire kasunod ng kumalat na mga PPE, face mask, gloves at iba pang basura sa bahagi ng Edsa-White Plains kaninang umaga.
Ayon kay Vergeire, bago pa man ang Covid-19 pandemic ay mayroon ng inilabas na protocol ang DOH hinggil sa tamang pagtatapos ng basura mula sa mga Healthcare institution.
Paliwanag ng Health official, maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga basurero halimbawa ang mga basura na ito kung wala silang sapat na proteksyon lalo na at patuloy parin ang banta ng Covid-19.
Inihalimbawa ni Vergeire na kung halimbawa ang kamay o gloves ng pumulot ng basura ay naihawak niya sa mukha at may nahawakan itong infected ng virus ay maaari itong mahawa.
Paalala ng DOH sa mga Healthcare institution, makipag-ugnayan sa mga LGU para sa pagtatapon ng basura upang mabigyan sila ng hiwalay na araw para sa pagkuha ng basura at hindi ito mahalo sa regular na basura.
Pinaalalahanan din ang mga ito na i-monitor ang pagtatapon ng kanilang basura kung maayos itong na-segregate o mayroong mga label.
Matatandaang kamakailan lamang ay may kumalat na mga gamit na rapid test kit sa mga maynila na nahulog mula sa pedicab ng isang namumulot ng basura.
Ang klinika na pinagmulan ay agad rin namang na-locate ng Manila -LGU at napatawan ng show cause order.
Madz Moratillo