DOH , muling umapila sa publiko na iwasang magtungo sa matataong lugar
Muli na namang nanawagan ang Department of Health sa publiko na sumunod sa minimum health standards at iwasang magtungo sa matataong lugar.
Sa isang virtual press conference binigyang diin ni Health Usec Ma. Rosario Vergeire na kahit may suot na face mask at face shield ay maaari paring mahawa ng COVID-19 kung magpupunta sa mga matao at siksikang lugar.
Ang paalala ay ginawa ni Vergeire kasunod ng kumalat na larawan sa social media hinggil sa siksikan ng tao na nagpunta sa Divisoria sa Maynila nitong weekend.
Sa ganitong pagkakataon aniya ay napakataas ng panganib na magkaroon ng hawahan ng virus.
Paalala ng opisyal, nariyan parin ang virus na dala ng COVID-19 kaya hindi dapat na maging kampante ang lahat.
Sa nalalapit na holiday season marami naman aniyang paraan para nakapamili kung nais ng publiko.
Madz Moratillo