DOH, nagbabala sa publiko laban sa mga sakit na sanhi ng matinding init ng panahon
Muling binalaan ng Department of Health ang publiko laban sa mga sakit habang tumitindi ang nararanasang init ng panahon.
Ayon kay Health Spokesman, Dr. Eric Tayag, napapadalas na ang heat stroke dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura lalo na kung aabot ito sa 42 degrees celsius.
Karamihan aniya sa mga tinatamaan ng heat stroke ay mga senior citizen at mga outdoor worker gaya ng mga traffic enforcer maging ang mga pasahero.
Kahapon, nakaranas ng heat exhaustion dahil sa matinding init ng panahon si Vice President Leni Robredo kaya’t kinansela nito ang kanyang pagbisita sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Samantala, binalaan din ng kagawaran ang mga maliligo sa mga swimming pool dahil sa posibleng mga sakit na makuha sa maruming tubig gaya ng sore eyes, ear infection, hadhad, buni at pigsa.