DOH nagdeklara na ng Code White alert kasabay ng Undas ng mga Katoliko
Kasabay ng paggunita sa undas ng mga Katoliko, nagdeklara na ng code white alert ang Department of Health (DOH).
Ayon kay Health secretary Francisco Duque III, ang code white alert ay tatagal hanggang sa Nobyembre 2.
Sa ilalim ng Code White Alert, lahat ng health facilities ng DOH sa buong bansa ay nakaalerto para sa posibleng emergency situations.
Maging ang mga medical staff ay nakaalerto rin at kung natapat naman sa day-off ay dapat on-call pa rin ang mga ito.
Paalala naman ni Duque sa mga kababayan natin na magpupunta sa mga sementeryo, hangga’t maaari ayon sa kalihim ay huwag nang magsama ng mga bata o sanggol at mga matatanda lalo na ang may mga karamdaman.
Makabubuti rin aniyang magdala ng mga baong pagkain pero dapat tiyakin na maayos ang pagkakahanda rito para hindi madaling mapanis at makaiwas sa food poisoning.
Magbaon din aniya ng maraming tubig para makaiwas sa dehydration.
Ulat ni Madz Moratillo