DOH nagrekomenda sa Pangulo na magkaroon ng price ceiling sa swab tests
Nais ng Department of Health na magkaroon ng proce ceiling sa presyuhan ng mga covid 19 testing sa bansa.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, nagsumite na ang DOH ng rekomendasyon kay Pangulong Duterte para maglabas ito ng isang executive order para sa regulasyon ng presyo ng mga swab testing.
Napansin din kasi aniya ng DOH ang malaking diperensya ng presyuhan ng mga swab test sa iba’t ibang laboratoryo sa bansa.
Ipinaliwanag ni Vergeire na kailangan ng isang executive order mula sa Pangulo para maregulate ang bayad sa swab testing dahil sa ngayon ay mga gamot pa lamang ang saklaw ng batas para sa price ceiling.
Para naman matukoy ang posibleng maging price range ng swab testing, magsasagawa ang DOH ng mga survey.
Bukod rito makikipag ugnayan din aniya sila sa mga eksperto at maging sa Department of Trade and Industry para rito.
Sa ngayon ay naglalaro sa mahigit 3 libong piso pataas ang presyuhan ng swab testing depende sa mga ospital, laboratoryo o iba pang health institution.
Madz Moratillo