DOH nagsasagawa na rin ng Contact tracing sa bansa sa mga nakasalamuha ng HK resident na positibo sa new COVID-19 variant
Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang Department of Health sa mga nakasalamuha ng Hong Kong resident na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 sa mga nakasalamuha nito dito sa bansa.
Ayon sa DOH, kumikilos na ang Epidemiology and Surveillance units sa Cagayan Valley Region at National Capital Region para matukoy ang mga nagkaroon ng close contact sa nasabing Hong Kong resident.
Ang mga ito ay kailangan umanong sumailalim sa quarantine at COVID-19 testing. Kung may magpopositibo sa kanila sa virus, dadalhin naman ang kanilang sample sa Philippine Genome Center para sa genome sequencing.
Dito makikita kung ang variant ng COVID-19 na tumama sa kanila ay katulad ng sa kumakalat ngayon sa United Kingdom.
Statement DOH:
“There is also ongoing contact tracing by the concerned epidemiology and surveillance units in Cagayan Valley Region and NCR. They have been instructed to ensure strict quarantine of identified close contacts and for samples collected from said contacts to be sent for confirmatory testing and, if samples test positive, subsequent whole genome sequencing.”
Una rito, batay sa report na ibinigay ng Hong Kong International Health Regulations National Focal Point at Centers for Health Development ng DOH, ang nasabing Hong Kong resident ay isang 30 anyos na babae mula sa Cagayan Valley Region.
Umalis ito sa Cagayan noong Disyembre 17, at dumating sa NCR noong Disyembre 18.
Pagdating sa NCR sumailalim ito sa quarantine, at noong Disyembre 19 ay sumailalim ito sa RT-PCR test kung saan negatibo ang resulta.
Umalis sya patungong Hong Kong noong Disyembre 22 at sumailalim sa quarantine pagdating roon.
Sumailalim sya sa RT-PCR testing sa Hong Kong noong Enero 2 at doon nagpositibo ito sa COVID-19 at maging sa UK variant.
Nasa stable condition naman umano ito at nananatiling naka-isolate.
Una rito, nagsasagawa na rin ng contact tracing sa mga nakasabay nito sa eroplano patungong Hong Kong.
Madz Moratillo