DOH nilinaw na wala pang evacuee ang nagpositibo sa COVID-19
Inihayag ng Department of Health na wala pang evacuee ang naiulat na nagpositibo sa COVID-19.
Kasabay nito, tiniyak ni Health Usec Ma Rosario Vergeire na patuloy ang kanilang monitoring sa lahat ng evacuation sa mga lugar na naapektuhan ng katatapos na kalamidad.
Pinapayuhan rin ng opisyal ang mga nasa evacuation center na tiyaking nakakasunod sa minimum health standards kontra COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face mask at regular na paghuhugas ng kamay.
Kung maaari ay matiyak rin aniya na nasusunod ang physical distancing.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development, mayroon pang 55, 921 mga pamilya o katumbas ng 223,378 indibidwal ang nananatili sa 1 570 evacuation centers sa Regions 2, 3, 4a, 5 at National Capital Region.
Samantala, nilinaw naman ni Vergeire na tanging mga evacuee na may sintomas ng COVID-19 lamang ang prayoridad na maisailalim sa anti-gen testing.
Kasunod ito ng anunsyo ng Malakanyang na gagamit ang pamahalaan ng antigen test kits para masuri ang mga residente na nasa evacuation center.
Paliwanag ni Vergeire ang antigen test ay epektibo lamang sa mga mayroong sintomas dahil sa panahong ito mataas ang viral load sa isang indibidwal.
Madz Moratillo