DOH pinag-aaralan na rin kung irerekomendang maisama sa travel ban ang Malaysia at Thailand
Maliban sa Indonesia, tinitingnan na rin ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na palawigin sa iba pang kapitbahay na bansa sa Asya ang pinaiiral na travel ban.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, pinag-aaralan na rin nila ngayon ang kasalukuyang Covid 19 situation sa Malaysia at Thailand na apektado na rin ng Delta variant ng COVID-19.
Depende aniya sa magiging resulta ng pag-aaral at saka sila magdedesisyon kung irerekomenda sa Inter Agency Task Force Against Covid 19 na maisama sa listahan ng ipinatutupad na travel ban ang mga nasabing bansa.
Sa ngayon kabilang sa mga may ipinatutupad na travel ban ang Pilipinas ay sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman at Indonesia dahil sa mga kaso ng Delta variant.
Sa Pilipinas, may 19 na kaso ng Delta variant ang naitala pero ito ay natukoy sa hanay ng mga returning overseas Filipino.
Ayon kay Duque dahil sa mahigpit na pagapapatupad ng isolation at testing sa mga dumarating na pasahero mula sa ibang bansa ay napigilang makapasok sa mga komunidad ang Delta variant.
Madz Moratillo