DOH sa mga ospital at mga doktor : kaagad ireport ang mga makikitaan ng adverse effects ng COVID-19 vaccines
Umapila ang Department of Health sa mga ospital at mga doktor na agad ireport ang mga makikitaan ng adverse effects ng COVID -19 vaccine.
Ginawa ni Health Usec Ma Rosario Vergeire ang pahayag kasunod ng ulat na nagbigay na ng warning ang Food and Drug Administration ng US laban sa COVID 19 Vaccine ng Johnson and Johnson.
Kasunod ito ng ulat na maaari umanong magdulot ito ng rare neurological disorder na Guillain-Barré syndrome.
Batay aniya sa revised EUA ng US FDA sa COVID-19 vaccine ng Janssen, nakasaad ang warning patungkol sa posibilidad ng pagtaas ng risk na magkaroon ng syndrome na ito 42 araw matapos matanggap ang bakuna.
Ayon kay Vergeire, mahalaga na agad maiuulat ang mga makikitang adverse effects upang agad itong magawan ng aksyon.
Pero ayon kay Vergeire, kung titingnan ang panganib na ito ay nananatiling mababa.
Batay sa mga datos, mas lamang parin aniya ang benepisyo na maaaring maibigay ng bakuna bilang proteksyon sa pagka-ospital o pagkamatay dahil sa Covid 19 kaysa mga ulat ng adverse effects nito gaya ng GBS.
Ang Covid 19 vaccine ng Janssen ng Johnson and Johnson ay una ng nabigyan ng EUA ng FDA dito sa bansa.
Ngayong buwan, aabot sa mahigit 3 milyong doses ng single shot Vaccine na ito ang inaasahang darating sa bansa.
Madz Moratillo