DOH tiniyak na may nakalatag na contingency plan para walang masirang mga bakuna sa gitna ng mga ipinatutupad na rotational brownout
Tiniyak ng Department of Health na handa ang kanilang mga Vaccination Operation Center sa mga ipinatutupad na rotational brownout sa ilang lugar ngayon sa bansa.
Ang rotational brownout ay sanhi ng manipis na suplay ng kuryente sa Luzon grid.
Ayon sa DOH, may guidelines ng inilabas ang National Vaccination Operation Center para masigurong hindi maaapektuhan ang mga COVID 19 vaccine sakaling mawalan ng kuryente.
May mga nakalatag na rin umano silang contingency plan sakaling magkaroon ng brownout.
Bukod rito, may mga naisagawa na rin umanong simulation activities sakaling mawalan ng supply ng kuryente sa isang lugar at masigurong may nakahandang back up power source.
Matatandaang nitong nakaraang buwan, nasa mahigit 300 doses ng Covid-19 vaccines ng Sinovac ang nasira matapos hindi nai-on ang freezer kung saan nakaimbak ang mga bakuna sa Makilala, Cotabato.
Batay sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), posibleng magpatupad sila ng Manual Load Dropping sa LUELCO, QUEZELCO at MERALCO mula 9:00 hanggang 10:00 ng umaga.
Dahil rito, asahan umanong maaapektuhan ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng La Union at Pangasinan, Quezon province at Metro Manila.
Pero maaari naman umanong hindi matuloy ito kung magkakaroon ng pagbabago at tataas ang suplay.
Ayon sa NGCP, mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon at 6:00 ng hapon hanggang 11:00 ng gabi ay naka-red alert ang Luzon grid dahil sa pagbaba ng suplay ng kuryente.
Madz Moratillo