DOH, tiniyak na wala pang kaso ng Omicron variant sa bansa kaya walang dapat ikabahala
Wala pa ring kaso ng pinangangambahang Omicron variant ng Covid-19 dito sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire kahit may isang biyahero mula South Africa na nakapasok sa bansa ang nagpositibo sa COVID-19.
Usec. Ma Rosario Vergeire:
“If you see in the other countries, nagpuputukan yung mga kaso nila, biglang tumataas yung numero. Dito naman po sa ating bansa ay hindi pa natin nakikita. So sa tingin ko po sa ngayon hindi pa ho nakakapasok ang variant na ito sa ating bansa. Yes, this variant has a lot of mutations na kailangan po cautious tayo. But hindi po natin kailangan mag-panic at matakot. Kailangan lang po sumunod tayo sa ating mga safety protocols”.
Giit ni Vergeire, hindi dapat magpanic ang publiko at sa halip ay sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols.
Maging si Philippine Genome Center (PGC) Exec. Dir. Dr. Cynthia Saloma, iginiit na sa mahigit 18,000 swab samples na kanilang na-sequence wala pa silang nakitang Omicron variant.
Hinahanap na rin aniya nila ang swab sample ng pasahero mula South Africa na dumating sa bansa mula November 15 hanggang 29 na nagpositibo sa COVID-19.
Dr. Cynthia Saloma, Executive Director, PGC:
“Kung gusto talaga nating malaman at ma-confirm kung ang isang variant is really the Omicron variant. Kailangan talaga whole genome sequencing Kasi di ma-differenciate nitong S gene dropout iyong Delta as well as the Alpha”.
Inaasahan ng DOH na hanggang sa katapusan ng Disyembre ay patuloy pang bababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pero si Manila Mayor Isko Moreno naman, umapila sa gobyerno na bagamat wala pang kaso ng Omicron variant sa bansa, dapat maghanda na ito.
Manila Mayor Isko Moreno:
“Ang gusto talaga namin, bumili tayo ng remdesivir, tocilizumab, baricitinib, at yung molnupiravir. Magstock na tayo ng oxygen. Gumawa na tayo ng mga pasilidad. Pag nagamit, thank you. Pag di nagamit, thank you pa rin. At least handa tayo”.
Pero habang naghahanda sa Omicron, mas maganda aniya kung kasabay rin ang unti unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.
“Basta handa tayo sa posibleng uncontrollable growth brought by the new variant, which is Omicron. Pero habang naghahanda tayo, bumubukas ang ekonomiya. Bumubukas ang oportunidad. Bumubukas ang hanapbuhay”.
Madz Moratillo