DOH umapila sa publiko na huwag magpanic sa mga natuklasang bagong variant ng COVID-19
Pinayuhan ng Department of Health ang publiko na huwag magpanic sa kabila ng mga natutukoy na variant ng COVID-19.
Ginawa ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire ang pahayag kasunod ng napaulat na bagong variant ng Covid-19 sa Vietnam na pinaghalo umanong Indian at UK variant.
Ang nasabing variant ay sinasabing mas transmissible kaysa ibang variant at kumakalat sa hangin.
Pero ayon kay Vergeire, sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na impormasyon mula sa World Health Organization (WHO) patungkol sa bagong variant na ito.
Batay sa pahayag aniya ng WHO, wala pa rin kasi itong natatanggap na report mula sa Vietnam patungkol sa nasabing variant.
Paalala naman ni Vergeire, pinakamabisa pa ring pananggalang laban sa mga naglalabasang variant ngayon ng COVID-19 ay ang pagpapabakuna at mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask at shield, regular na paghuhugas ng kamay at physical distancing.
Madz Moratillo