DOH,nilinaw na wala ng active cases ng Delta variant sa bansa
Bagamat may dalawa pang bagong kaso ng Delta variant ng COVID-19 na natukoy dito sa bansa, wala naman ng aktibong kaso ng variant na ito ngayon dito sa bansa.
Ang Delta variant ay mula sa India at sinasabing dahilan ng nangyaring surge ng COVID-19 cases roon.
Ayon sa Department of Health, batay sa sequencing ng Philippine Genome Center, sa kabuuan ay umabot na sa 19 ang kaso ng Delta variant na nakapasok sa bansa.
Pero ang 18 sa kanila ay nakarekober na habang may 1 ang nasawi.
Ang 2 bagong kaso ng Delta variant na natukoy ay parehong returning overseas Filipino mula sa Saudi Arabia.
Kapwa sila dumating sa bansa noong Mayo 29 at parehong nakalabas na sa quarantine facility matapos makarekober sa sakit.
Ayon sa DOH, wala pang local case ng Delta variant sa bansa at ang mga natukoy na nagpositibong returning OFW ay agad rin namang nai-isolate pagdating sa bansa.
Samantala, may 132 bagong Alpha variant cases na natukoy sa bansa.
Ang 125 rito ay local cases, 1 ang ROF, habang bineberipika pa ang 6.
Ang 15 sa kanila ay nasawi habang nakarekober naman na ang 117.
Sa kabuuan, nasa 1,217 na ang naitatalang Alpha variant cases dito sa bansa.
May 119 bagong Beta variant cases rin ang natukoy sa sequencing ng PGC.
Ang 111 rito ay local cases, 2 ang ROF,habang bineberipika pa ang 6.
Ang 3 rito ay aktibong kaso pa, habang nakarekober na ang 104.
Ang 12 naman rito ay nasawi.
Sa kabuuan, umabot na sa 1,386 ang kabuuang kaso ng Beta variant sa bansa.
Samantala, may 3 namang Theta variant cases ang naitala, ang mga ito ay pawang local cases at nakarekober na mula sa sakit.
Ayon sa DOH wala namang dapat ikabahala dahil ang Theta variant ay hindi kabilang sa variant of concern.
Patuloy naman ang apila ng DOH sa publiko na sumunod sa minimum public health standards para maiwasan ang transmission ng COVID-19.
Madz Moratillo