DOJ: Bagong concession agreement sa pagitan ng gobyerno at Manila Water, nilagdaan na
Pirmado na ng pamahalaan at ng Manila Water ang bagong water concession agreement.
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nakumpleto na ang lahat ng mga lagda sa bagong kasunduan ngayong Miyerkules, March 31.
Ang MWSS anya ang pumirma para sa gobyerno.
Sinabi ni Guevarra na ang Malacañang ang pormal na mag-a-anunsyo sa mga detalye ng bagong concession agreement.
Pagkatapos nito ay saka ihahayag ng DOJ ang mga salient features ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at Manila Water.
Sisimulan naman anya ng gobyerno ang pakikipag-usap sa Maynilad ukol sa bagong concession deal pagkatapos ng long holiday.
Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DOJ noong 2019 na rebyuhin ang 1997 water concession agreements sa harap ng naranasang krisis sa tubig.
Nakita ng DOJ sa pagbusisi nito sa kontrata na may ilang probisyon sa kontrata na disadvantageous sa mga konsyumer at pamahalaan.
Partikular na rito ang pagbabawal sa gobyerno na panghimasukan ang pagtatakda ng singil sa tubig ng mga kumpanya at kung makialam ay pagbabayarin ang gobyerno ng kompensasyon.
Nakita rin ng DOJ na iregular ang pagpapalawig sa 1997 concession agreement hanggang sa taong 2037 lalo na’t in-extend ito 13 taon bago magpaso ang kontrata.
Noong 2020 ay isinumite naman ng DOJ sa Palasyo ang panukalang bagong kontrata na nagtatanggal sa mga onerous o kwestyonableng probisyon sa mga nakaraang kasunduan.
Moira Encina