DOJ bumuo ng study group kaugnay sa mga polisiya na kailangang ipatupad ng bansa ukol sa isyu ng comfort women
Pag-aaralan ng DOJ ang mga polisiya na kailangan na gawin ng Pilipinas para matugunan ang isyu ng ‘comfort women.’
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla kasunod ng report ng Committee on the Elimination of Discrimination Against Women (CEDAW) ng United Nations na nalabag umano ng Pilipinas ang mga karapatan ng mga Pilipinang biktima ng sexual slavery ng mga sundalong Hapon noong World War II.
Sinabi ni Remulla na bumuo na ang kagawaran ng study group na pamumunuan ni Justice Undersecretary Raul Vasquez para magsagawa ng komprehensibong pag-aaral.
Para kay Remulla, dapat ay maibigay nang buo ang reparations sa comfort women dahil maliit lamang ang naturang pera kumpara sa sinapit ng mga ito.
Una nang inihayag ng kalihim na kakausapin niya ang pamunuan ng Kamara at Senado ukol sa pagpasa ng panukalang batas para sa kapakanan ng comfort women.
Moira Encina