DOJ iginiit na hindi pa case closed ang pagpatay kay Percy Lapid; bangkay ng presong sinasabing middleman, isasailalim sa ikalawang otopsiya
Nanindigan si Justice Secretary Crispin Remulla na hindi pa case solved ang kaso ng pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid.
Sinabi ni Remulla na hindi pa maaaring isara ang kaso hanggang sa hindi pa alam ang buong detalye at hindi nakukuha ang mga kinauukulang testimonya.
Ayon pa sa kalihim, kinakailangan din na makuha ang lahat ng ebidensya dahil napakalahaga nito para umusad ang kaso.
Samantala, inihayag ng kalihim na isasailalim sa ikalawang otopsiya ang bangkay ng Bilibid inmate na si Crisanto o Jun Villamor na itinuturong middleman sa Percy Lapid killing
Aniya, kinausap na niya ang forensic pathologist na si Dr. Racquel Fortun para magsagawa ng second autopsy sa preso at makuha ang obserbasyon nito.
Alinsunod ito sa napagkasunduan ng kalihim sa kapatid ni Percy Lapid na si Roy Mabasa at sa anak ng brodkaster.
Tiniyak ni Remulla na hindi titigil ang DOJ sa pagtutok at pagbantay sa kaso.
May mga dokumento rin na hawak ang kalihim na ibibigay sa NBI.
Inatasan din ni Remulla ang NBI na kausapin ang iba pa na testigo na nasa kustodiya ng pulisya para ma-validate ang lahat ng impormasyon.
Moira Encina