DOJ ikinatuwa ang pagtanggap ni VP Robredo bilang co-chair ng ICAD
Handa umano si Justice Secretary Menardo Guevarra na makatrabaho si Vice President Leni Robredo sa Inter- Agency Committee on Anti- Illegal Drugs (ICAD).
Ang DOJ ay miyembro ng ICAD at ang nangunguna sa Justice cluster ng komite.
Ayon kay Guevarra, handa siyang makinig sa mga rekomendasyon at panukala ni Robredo para mapaigting at mapagbuti ang kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Sinabi ng kalihim na ikinatuwa niya ang pagtanggap ni Robredo sa posisyon sa anti- drug body.
Seryoso at mahalagang gampanin anya ang nakaatang sa ICAD kaya kailangan nila ng lahat ng tulong para magtagumpay ang anti- illegal drugs campaign ng pamahalaan.
Tiwala si Guevarra na maraming bagong ideya ang Bise-Presidente na maaari niyang ibahagi sa ICAD.
Kasabay nito, itinanggi ni Guevarra na isang trap kay Robredo ang inalok na pwesto ng Pangulo.
Dapat anyang balewalain ang paniwala ng ilan na patibong sa pangalawang Pangulo ang paglagay dito bilang drug czar dahil ang intensyon ng ICAD ay magwagi laban sa problema iligal na droga.
Binigyang diin pa ni Guevarra na kung mabigo ang anti drugs campaign ay hindi ito kabiguan lang ni Robredo kundi nang buong gobyerno.
Ulat ni Moira Encina