DOJ inaasikaso na ang deportation request ng South Korea sa ilang Koreano na wanted umano sa “violent crimes”
Matapos ang Japanese government, dumulog naman sa Department of Justice (DOJ) ang Embahada ng South Korea para maipadeport ang tatlong Korean nationals na sinasabing wanted sa “violent crimes” doon.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, pinag-aaralan na ng DOJ ang kahilingan ng South Korea na mapabalik sa kanilang bansa ang mga nasabing pugante.
Sinabi pa ng kalihim na katulad din ito ng mga kaso ng apat na Japanese na ipinadeport nitong Pebrero dahil ang mga naturang Koreano ay nakagawa ng “violent crimes.”
Sa tala aniya ng Bureau of Immigration (BI), nasa 30 Koreano ang nakapiit sa BI facility sa Taguig City.
Bibigyan ng DOJ ng listahan ang Korean government ng mga nakakulong nitong mamamayan sa BI detention.
Noong Miyerkules ng hapon ay nakipag-usap kay Remulla si Korean Ambassador to the Philippines Kim Inchul sa DOJ kung saan binanggit nito ang ukol sa kanilang deportation request.
Hindi tinukoy ng DOJ kung sinu-sino na pugante ang hiniling ng South Korea na mapauwi sa kanilang bansa.
Siniguro ng kalihim na nagpapatuloy ang pag-amyenda sa deportation rules.
Alinsunod sa umiiral na panuntunan, hindi maipapadeport ang isang banyaga kung may pending ito na kaso sa Pilipinas.
Naniniwala si Remulla na naaabuso na ito ng mga umiiwas na maipadeport at nagpapasampa ng mga imbentong kaso gaya ng apat na Japanese na isinasangkot sa Luffy robbery cases sa Japan.
Moira Encina