DOJ inatasan ang NBI at BuCor na imbestigahan ang nangyaring riot sa Bilibid na ikinamatay ng siyam na inmates
Pinaiimbestigahan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa parehong NBI at Bureau of Corrections ang naganap na kaguluhan sa New Bilibid Prison na nagresulta sa pagkamatay ng siyam na inmates at pagkasugat ng pitong iba pang preso.
Iniutos din ni Guevarra sa NBI na maghain ng kaukulang reklamo laban sa mga taong sangkot o responsable sa insidente kung may ebidensya.
Inatasan naman ng kalihim si BuCor Chief Gerald Bantag na kilalanin ang lahat ng inmates na sangkot sa riot.
Bukod dito, ipinagutos din ni Guevarra kay Bantag na patawan ng preventive suspension ang mga BuCor officials at personnel na nagpabaya sa kanilang tungkulin habang gumugulong ang imbestigasyon.
Nais din ng kalihim na magsagawa ng mabusising pag-i-inspeksyon at kumpiskahin ng BuCor ang lahat ng mga kontrabando na makikita sa Maximum Security Compound.
Pinasususpinde rin ng DOJ ang lahat ng pribilehiyo ng mga persons deprived of liberty o PDLs na nasa Maximum Security Compound.
Binigyan ng limang araw ang BuCor at 10 araw naman ang NBI para magsumite ng kanilang initial report sa insidente.
Sa paunang ulat ng BuCor, sumiklab ang away sa pagitan ng Commando at Sputnik gangs bandang ala- una ng madaling araw ng Biyernes sa Quadrant 4 ng Maximum Security Camp.
Kinausap at binalaan na rin ni Bantag ang dalawang magkaribal na grupo na itigil na ang marahas na pag-a-awayan ng mga ito.
Moira Encina