DOJ, inilunsad ang libreng MCLE para sa mga piskal
Sinimulan ngayong Lunes, Hulyo 15 ang libreng Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) ng Department of Justice (DOJ) para sa mga piskal.
Ayon sa DOJ, magtatagal ang MCLE hanggang Hulyo 19 sa University of the Philippines.
Tinatayang 365 piskal mula sa Regions 1, 2, 3, 4B, 9, 10, 11, 12, 13 at 14 ang mga kalahok sa limang araw na MCLE.
Ilan sa mga presentasyon at tatalakayin ng mga eksperto ay ang 2019 Amendments sa Rules on Evidence, pag-usig ng Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse and Exploitation Materials (CSAEM), gender laws, money laundering, at forfeiture sa mga kriminal na kaso.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na kailangan na palaging updated ang mga piskal bunsod ng mga pagbabago ng mga batas at legal complexities.
Alinsunod sa Bar Matter 850 ng Korte Suprema, obligado ang lahat ng abogado na sumailalim sa continuing legal education para makaagapay sa mga pinakabagong batas at jurisprudence at mapaunlad pa ang kaalaman at pamantayan sa pag-practice ng abogasya.
Moira Encina- Cruz