DOJ ipinaalala ang ilang panuntunan sa pag-aresto sa mga lalabag sa quarantine at safety protocols
Sa harap ng pagkaka-aresto ng PNP sa higit 20,000 indibidwal na lumabag sa health at safety protocols mula nang isailalim muli sa ECQ ang Metro Manila, ipinaalala ng DOJ ang ilang salient points sa binuong panuntunan sa pag-aresto at pagditine sa mga quarantine violators.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, saklaw ng DILG-PNP-DOJ joint memorandum circular na inisyu noong May 31 ang pagdakip sa mga susuway sa mga health ordinances at quarantine-related rules gaya ng hindi pagsusuot ng face mask at paglabag sa curfew.
Pero, binigyang -diin ng kalihim ang ilang salient points sa joint memo na dapat sundin ng mga otoridad sa pag-aresto at pagkulong sa mga violators.
Una rito ay obligado ang LGU na magkaroon ng malaki at open-air holding areas na gagamitin sa booking at inisyal na imbestigasyon sa mga lumabag.
Dapat din aniya na matiyak ng pulis na ang anumang pag-aresto sa mga tao dahil sa paglabag sa minimum health standards ay nakabatay dapat sa umiiral, valid at aplikableng ordinansa o batas.
Kung pinapayagan ang multa o community service sa ordinansa o batas ay dapat itong sundin upang maiwasan ang pagsisiksikan sa mga detention centers at prosecution offices.
Dapat naman na agad iprisinta ng arresting officer sa DOJ inquest prosecutor ang indibidwal kung ang paglabag nito ay kailangang isailalim sa inquest proceedings gaya ng resistance at disobedience to authority.
Pinaalalahan din ni Guevarra ang mga inquest prosecutors na mahigpit na sundin ang mandatory timeframe sa pagkumpleto sa inquest o kaya ay iutos ang agad na paglaya ng inaresto para sa karagdagang imbestigasyon upang maiwasan ang congestion sa mga kulungan at holding areas.
Tinuligsa ng ilang kritiko ang pag-aresto sa mga quarantine violators dahil nagresulta ito sa pagsisiksikan sa mga detention facilities.
Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DOJ at DILG na bumuo ng panuntunan para sa akmang implementasyon sa pag-aresto sa mga hindi susunod sa safety protocols sa COVID-19.
Moira Encina