DOJ kumbinsidong may “palusutan” sa MARINA at PCG kaugnay sa mga pinekeng dokumento ng MT Princess Empress
Naniniwala si Justice Secretary Crispin Remulla na nagkaroon talaga ng palusutan sa mga regulatory agencies kaya nagawang makapaglayag ng MT Princess Empress kahit dinaya o pineke ang mga dokumento at sertipikasyon nito.
Kabilang ang dalawang opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) mula sa Region V at 19 na tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa sinampahan ng NBI sa DOJ ng mga reklamo tulad ng paggamit ng falsified documents at pamemeke ng public o official documents kaugnay sa paglubog ng motor tanker.
Ayon kay Remulla, maaaring nasanay na ang mga ahensya na magpalusot sa mga gaya ng RDC Reield Marine Services Inc. na may-ari ng MT Princess Empress.
Sa ngayon aniya ay hindi pa kasama ang mga reklamong negligence sa mga isinampang reklamo laban sa MARINA o PCG.
Iginiit ng kalihim na dapat maingat ang mga regulatory agency sa pagbibigay ng mga permiso dahil kung hindi ay talagang kawawa ang publiko tulad ng nangyari sa tanker na nagdulot ng malawakang oil spill.
Moira Encina