DOJ: Legal cluster sa energy security, sinimulan na ang pagresolba sa mga kaso na nakakaapekto sa sektor ng enerhiya
Nag-convene na ang legal cluster sa energy security para resolbahin ang mga matagal nang isyu na nakakaapekto sa investments sa sektor ng enerhiya sa bansa.
Binubuo ito ng legal group ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), energy division ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), at ng Office of the Secretary of Justice.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, sinimulan na ng legal cluster ang action plan para resolbahin ang mga isyu at kaso na nakakaapekto sa sektor ng enerhiya.
Sinabi ng kalihim na may 111 kaso sila na natukoy na ipaprayoridad base sa tama nito sa energy situation sa bansa.
Tiniyak ni Remulla na sistematikong tutugunan nang may full transparency at kukonsultahin
nila ang mga kinauukulang ahensya para makamit ang mura at reliable na suplay ng kuryente sa bansa.
Inihayag ni Remulla na ibinilang ng DOJ ang enerhiya bilang isa sa mga pangunahing isyu na bibigyan nito ng atensiyon sa kasalukuyang administrasyon.
Una na ring nagpulong ang legal cluster ng Marcos government para plantsahin ang regulatory framework sa energy investments sa bansa.
Moira Encina