DOJ, maaaring paimbestigahan sa NBI ang pagpaslang kay NUPL Negros Occidental Secretary-General Atty. Benjamin Ramos
Wala pang direktiba si Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang pagpatay kay NUPL – Negros Occidental Secretary General Atty. Benjamin Ramos.
Pero tiniyak ng kalihim na paiimbestigahan niya sa NBI ang pananambang sa abogado kapag may indikasyon na ito ay may kaugnayan sa pagtulong nito sa kaso ng pamamaslang sa ilang sugarcane workers sa Sagay, Negros Occidental noong Oktubre.
Ang NUPL ang tumatayong abogado ng mga kaanak ng pinaslang na mga miyembro ng National Federation of Sugar Workers sa Hacienda Nene na kanilang inokupa.
Samantala, kinondena ng NUPL ang pananambang kay Ramos.
Itinuturing ng grupo na planado ang ginawang pagpaslang sa NUPL officer.
Tanggap naman ng NUPL na ang sinapit ng kanilang kasamahan ay bahagi ng kanilang sinumpaan bilang tagapagtanggol ng mga inaapi.
Ulat ni Moira Encina