DOJ, may hinala na may taga BI na sangkot sa pagkakatakas sa bansa ng mga Guo

Photo: net25.com

Lilipad patungo sa Indonesia ang ilang tauhan ng NBI kasunod ng pagkakaaresto ng mga pulis kay dating Mayor Alice Guo.

Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla, na plano rin ng DOJ na magpadala ng mga piskal sa Indonesia kaugnay sa pagpapauwi sa bansa kay Guo.

Sinabi ni Remulla, “Were sending NBI team over there more higher, more senior agents to go to Indonesia to make sure we’re represented there and DOJ is lookung at sending some of our prosecutors.”

Ayon sa kalihim, kakausapin din nila ang PNP ukol sa magiging kustodiya ni Guo kapag nakauwi na ito sa bansa.

Sa ngayon ay hindi pa masabi ng opisyal kung kailan mapababalik ng Pilipinas si Guo.

Kailangan pa aniya na mapag-aralan ang proseso ng pagpapauwi kay Guo, dahil hawak ito ng mga pulis at hindi ng immigration.

Aminado rin ito na may ilang isyu at komplikasyon sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas na kailangang maresolba.

Aniya, “Wala tayong estimated time frame, it will depend on certain elements and certain situations in Indonesia at makikipag-usap tayo, DFA will be talking to them also. Marami tayong pending incidents para magkasundo.”

Duda naman si Remulla sa kuwento nina Shiela Guo na nakaalis sila sa bansa nina Alice sa pamamagitan ng bangka at barko.

Ayon sa kalihim, “Ano nagtutulog sila sa lambat? Nakahilata sila dun buong araw, tatlong araw, apat na araw? Hindi kapani-paniwala e. Hindi ganun kadali bumiyahe sa dagat. At saka maraming pirata dyan sa South China Sea.”

May hinala si Remulla na may mga tauhan ng Bureau of Immigration na sangkot sa pagkakatakas sa bansa ng mga Guo.

Tiniyak nito na walang sisinuhin at lahat ng may kinalaman sa pagtakas nina Guo ay iimbestigahan at uusigin ng kagawaran.

Ani Remulla, “Isang masasabi ko dyan, nagpupuslit papasok ang pastillas gang at nagpupuslit din sila palabas. Kaya alam natin meron talagang gumagawa nun sa immigration, yun ang tinitingnan natin ngayon.”

Kaugnay nito, hindi naiwasan ni Remulla na maglabas ng sama ng loob kay Immigration Commissioner Norman Tansingco.

Inamin ng kalihim na hindi na niya kinakausap si Tansingco, dahil hindi ipinaalam nito sa kaniya ang ukol sa pagkakatakas sa bansa nina Guo.

Ayon kay Remulla, “Hindi nya naman ako sinasabihan agad e. Marahil alam niya nang matagal yan bago ko nalaman. Kaya hindi na kami nag-uusap. Hindi tama yung ganung klaseng asal. Na hindi mo ipapaalam sa DOJ Secretary yung nangyayri sa opisina mo.”

Si Guo na sinasabing Chinese national ay itinuturong sangkot sa operasyon ng illegal POGOs sa Bamban at Porac.

Nahaharap siya sa mga reklamong human trafficking, money laundering at tax evasion sa DOJ.

Sabi pa ni Remulla, “Halos hindi lang executive at judicial, pati constitutional commission involve sa dami ng kaso ni Alice Guo, kumplikado na nga. Alam natin na hindi tama ang lahat ng diskarte ni Alice Guo sa buhay niya.”

Samantala, maaaring sa Biyernes ay may desisyon na ang Department of Justice (DOJ) sa reklamong human trafficking laban kay dating Mayor Alice Guo.

Sa impormasyon naman ng DOJ, nasa Hongkong si Wesley Guo at nakikipag-ugnayan na ang BI sa counterparts nito sa Hongkong para mapabalik din ito ng bansa.

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *