DOJ: Mga reklamo ng katiwalian na natatanggap na ng Task Force Against Corruption, umabot na sa halos 300
Kabuuang 274 na reklamo ng katiwalian ang natatanggap na ng Task Force Against Corruption (TFAC).
Sinabi ni Justice Undersecretary at Spokesperson Emmeline Aglipay- Villar na mula sa nasabing bilang ay 240 ang nasa task force.
Pero dahil marami anya sa mga reklamo ay pareho ng isyung pinatutungkulan ay lalabas na 180 ang mas tamang bilang ng complaints.
Ang ilan anya sa mga ito ay ini-evaluate ng Complaints Evaluation Committee (CEC) at ang mga na-evaluate na ay isinusumite sa mga Assistant Secretaries, Undersecretaries o kaya ay kay Justice Secretary Menardo Guevarra para sa pagrebyu at dagdag na aksyon.
Dalawa sa mga reklamo ay nakitaan ng sapat na porma at substansya kaya ang mga ito ay inendorso na ng task force sa Office of the Ombudsman.
Ang mga nasabing kaso ay kaugnay sa mga iregularidad sa LGU sa pagbili ng lupa ng munisipalidad.
May isa namang reklamo na kinasasangkutan ng mga opisyal at kawani ng DPWH District Engineering Office
na Salary Grade 27 pababa na inihain na sa National Prosecution Service para sa preliminary investigation.
Bukod sa DPWH, sangkot din sa isyu ang isang kongresista dahil sa pagpabor sa ilang contractors.
Ang Operations Center Secretariat ng task force na nasa DOJ ang tumatanggap at bumubusisi sa mga impormasyon ukol sa kurapsyon sa gobyerno na iimbestigahan ng TFAC.
Moira Encina