DOJ, nilinaw na walang natatanggap na request ng Indonesia ukol sa “prisoner swap” kay Alice Guo
Itinanggi ni Department of Justice (DOJ) Spokesperspon Mico Clavano ang mga ulat ng Indonesian media ukol sa sinasabing prisoner exchange kapalit ng pag-turnover kay dating Mayor Alice Guo.
Ayon kay Clavano, walang opisyal na kahilingan sa Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa gobyerno ng Indonesia ukol sa prisoner swap kaya premature pa ito na pag-usapan.
“Ang proseso kasi riyan ay dadaan po talaga yung mga official communciation, especially from authorities abroad sa DFA. So, sa kanila lang kami makikinig kung meron silang request na iforward sa amin pero as of right now walang request na ganun ” ani Clavano.
Tiwala naman si Clavano na ngayong araw ay mapapabalik na sa bansa si Guo mula Indonesia dahil cooperative naman aniya ang Indonesian authorities.
Sinabi ni Clavano na may kakaharapin na paglabag sa Immigration Law at iba pang krimen si Guo kaya isasailalim ito sa parehong legal na proseso na pinagdaanan nina Shiela Guo at Cassandra Li Ong.
Paliwanag pa ni Clavano, isang deportation process ang nangyayari kay Guo sa Indonesia.
” Hindi siya police matter, ano talaga sya immigration matter. So, nagtutulong-tulong lang po ang police, ang Immigration, NBI, DILG at saka DOJ para lang mabalik dito. Sa tingin natin we will not see any complications anymore dahil ito po ay isang deportation matter “ dagdag pa ng opisyal.
Moira Encina-Cruz