DOJ- Office of Cybercrime naglabas ng abiso sa pagsasagawa ng online classes gamit ang video conferencing services
Nag-isyu ang DOJ- Office of Cybercrime ng public advisory kaugnay sa pagsasagawa ng online classes gamit ang mga video conferencing services.
Ito ay bunsod ng mga banta sa seguridad na kaakibat sa paggamit ng information and communication technology.
Sa apat na pahinang abiso na may lagda ni DOJ- Office of Cybercrime OIC Atty. Charito Zamora, binanggit na kabilang sa mga security risks sa paggamit ng video conferencing services ay ang exposure o pagkakalantad ng mga mag-aaral sa mga abusadong tao at masasamang online content.
Dahil dito, inilatag ng tanggapan ang ilang mga hakbangin para sa mga school administrators, magulang, at publiko upang maiwasan at maprotektahan ang mga estudyante mula sa online abuse at harmful content sa panahon ng online classes.
Kabilang na rito ang paggamit ng latest version ng application ng mga eskwelahan lalo na’t vulnerable sa cyber attacks ang anumang apps o services na naka-konekta sa Internet.
Ang mga magulang din ng mga bata ang inaasahan na pangunahing gagabay at susubaybay sa online activities at magtuturo sa kanilang mga anak tamang paggamit sa Internet para maiwasan na maging biktima ng cybercrimes.
Hinimok din ang publiko na iulat sa Office of Cybercrime, PNP at NBI ang anumang iregularidad, unwanted incidents, harassment o abuso na naganap sa mga online classes.
Moira Encina