DOJ, pag-aaralan ang hiling ng gunman sa Dominic Sytin murder case na maisailalim sa WPP
Bubusisiin ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ng gunman sa Dominic Sytin murder case na mapasailalim sa Witness Protection Program at maging state witness sa kaso.
Inamin ni Edgardo Luib na siya ang bumaril sa negosyante at itinuro ang kapatid ng biktima na si Dennis Sytin na utak sa krimen.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pag-aaralan ng DOJ kung nakakatugon si Luib sa rekisito para maging testigo ng gobyerno.
Ayon kay Guevarra, para maging state witness ay dapat sobrang mahalaga ang testimonya ng akusado sa ikalulutas ng krimen at hindi ito ang most guilty.
Una nang sumulat si Luib sa DOJ para maging state witness sa kaso ng pagpaslang sa negosyante.
Ang DOJ ang naghahain ng mosyon sa korte para maging state witness ang isang akusado at ito ay kailangang aprubahan ng hukuman.
Si Luib ay tinawag na polluted source at hindi credible na testigo ni Dennis Sytin sa isinumite nitong kontra -salaysay sa DOJ panel of prosecutors.
Ulat ni Moira Encina