DOJ pinag-aaralan kung iligal na magpabakuna ng booster shot ang fully-vaccinated na tao
Inaalam na ng Department of Justice (DOJ) kung may batas o ordinansa na nagbabawal sa isang tao na boluntaryong magpa-booster shot matapos na makakumpleto ng bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na kailangan din nilang magabayan ng mapagkakatiwalaang medical information kung ang orihinal na pagbabakuna ay sapat ang bisa o efficacy para maging unnecessary, unethical o iligal ang booster shot.
Inamin dati ni San Juan Rep. Juan Zamora na nagpaturok siya ng apat na dose ng dalawang brand ng bakuna laban sa COVID-19.
Pero, para sa kalihim ay hindi na kailangan pang imbestigahan ng NBI ang multiple vaccination ng kongresista.
Kamakailan ay sinampahan na ng reklamo ng Quezon City government ang dalawang indibidwal na sinasabing nagpa-booster shot o nagpaturok ng ikatlong dose ng ibang brand ng COVID vaccines kahit fully vaccinated na ang mga ito.
Moira Encina