DOJ, pinag-aaralan kung ililipat sa NCR Court mula Zamboanga ang paglilitis sa kaso ng nadakip ng terror financing facilitator
Ikinukonsidera ng Department of Justice (DOJ) na ilipat sa korte sa Metro Manila mula Zamboanga ang paglilitis sa kaso laban sa nadakip na terrorism financing facilitator na si Myrna Mabanza.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon, nagsasagawa sila ngayon ng ebaluwasyon kung mas mabuti bang sa Zamboanga gawin ang paglilitis o ilipat ito sa isa sa mga korte sa National Capital Region lalo na’t maituturing na high-profile detainee si Mabanza.
Aminado ang piskal na maaaring hindi sapat ang mga pasilidad sa Zamboanga para ma-secure si Mabanza dahil marami rin itong kamag-anak sa ZambaSulta area.
Sinabi pa ni Gingoyon na kung sa NCR dadalhin si Mabanza ay masisiguro na magiging mahigpit ang pagbabantay sa akusado partikular sa piitan sa Taguig City.
May mga hukuman din aniya sa Quezon City at Taguig City na nakatalaga para humawak ng mga kaso ng Anti-terrorism.
Kasama sa mga ikinukonsidera aniya sa magiging desisyon ay ang gastos sa transportasyon ng mga piskal at mga testigo papuntang Zamboanga kung doon ang paglilitis.
Tiniyak naman ng DOJ panel of prosecutors na handa ito na hawakan ang kaso saanmang hukuman gagawin ang paglilitis.
Moira Encina