DOJ, pinagbigyan ang hiling ng BIR na iatras ang tax evasion cases na isinampa laban sa Mighty Corporation
Ibinasura na ng DOJ ang reklamong tax evasion ng BIR laban sa local cigarette firm na Mighty Corporation na umaabot sa mahigit 37 billion pesos.
Ito ay matapos aprubahan ng DOJ ang mosyon ng BIR na iatras ang mga reklamong tax evasion na inihain nito sa Mighty Corporation.
Sa dalawang pahinang resolusyon noong October 2, 2017 pinagbigyan ng piskalya ang motion to withdraw ng BIR na isinumite noong September 26, 2017.
Tinukoy ng BIR sa kahilingan nito ang Section 204 ng National Internal Revenue Code na nagbibigay ng kapangyarihan sa BIR Commissioner na makipagkompromiso.
Kaugnay nito sinabi ng DOJ na moot and academic na ang hiling ng Mighty Corporation para sa reinvestigation ng kaso.
Ang resolusyon ay nilagdaan nina Prosecutors Sebastian Caponong Jr, Ma Lourdes Uy at Mary Ann Parong, na inaprubahan ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr.
Ang Mighty Corporation ay sinampahan ng bir ng tatlong reklamong tax evasion ng BIR dahil sa paggamit ng pekeng tax stamp sa mga produkto nito na pakete ng sigarilyo.
Aabot sa mahigit 37 bilyong piso ang hinahabol ng gobyerno na utang sa buwis ng Mighty Corporation.
ulat ni Moira Encina