DOJ pinasalamatan ang Korte Suprema sa pag-apruba sa pagiisyu ng Precautionary Hold Departure Order laban sa mga suspek sa mga kasong kriminal para hindi makaalis ng bansa

Tinawag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na landmark development sa pangangasiwa ng criminal justice system ng bansa ang pagpapalabas at pag-apruba ng Korte Suprema sa panuntunan sa pagiisyu ng Precautionary Hold Departure Order o PHDO laban sa mga suspek sa reklamong kriminal para hindi makalabas ng bansa.

Sinabi ni Guevarra na nagpapasalamat siya sa Supreme Court dahil sa pagbibigay nito sa DOJ at sa mga hukuman ng kakayanan para mapigilan ang pagtakas ng mga indibidwal na posibleng guilty sa drug trading, human trafficking, large-scale estafa, at terorismo kahit nasa preliminary investigation pa lang ang kaso.

Natutuwa si Guevarra dahil naiintindihan ng Korte Suprema ang suliranin ng DOJ na nagresulta sa pagpapawalang bisa ng SC dati sa mga inisyung Watch List Orders at Hold Departure Orders ng kagawaran.

Sa botong 11-1, inaprubahan ng Korte Suprema ang Rule on PHDO na isang kautusan ng regional trial courts na nag-aatas sa Bureau of Immigration na pagbawalang makaalis ng bansa ang isang taong hinihinalang nakagawa ng krimen.

Ang pag-iisyu ng PHDO ay para sa mga krimen na may katapat na parusa na hindi bababa sa anim na taon at isang araw.

Ang aplikasyon para sa PHDO ay maaring ihain ng piskal sa alinmang regional trial court na may hurisdiksyon sa lugar kung saan naganap ang krimen.

Noong Hulyo pinagtibay ng Supreme Court ang desisyon nito na nagdideklarang unconstitutional sa DOJ Circular No. 41 na ginamit ni dating Justice Secretary Leila de Lima sa pagiisyu ng Watch List Order para mapigilan na makaalis ng bansa si dating Pangulong at ngayoy House Speaker Gloria Arroyo at asawa na si Jose Miguel Arroyo noong 2011.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *