DOJ, plano na bumuo ng hiwalay na task force at panel of prosecutors para imbestigahan ang mga reklamo laban sa sinasabing kulto sa Socorro, Surigao del Norte
Iniutos na ni Justice Secretary Crispin Remulla sa NBI ang mas malaliman pang imbestigasyon sa sinasabing kulto sa Socorro, Surigao del Norte na nasa likod ng human trafficking, pag-aabuso sa mga bata at iba pang krimen para masiguro na mapanagot ang mga salarin at hindi na ito mauulit.
Plano ng DOJ na lumikha ng bago at independent panel of prosecutors para humawak sa imbestigasyon at pagdinig sa mga kaso laban sa mga lider na nasa likod ng sinasabing kulto sa Socorro, Surigao del Norte.
Una nang sinampahan ng mga reklamo ng NBI CARAGA ang itinuturong lider ng Socorro Bayanihan Services Incorporated na tinatawag na Señor Aguila o si Jay Rence Quilario dahil sa mga pisikal at seksuwal na pag-abuso sa mga kabataan at iba pang krimen.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na ipapalipat nila sa National Prosecution Service sa DOJ main sa Maynila ang paghawak sa mga kaso.
“whether or not they will be granted we are starting to move for these cases to be lodged here in Department of justice main office” pahayag ni Atty. Mico Clavano
Kaugnay nito, bubuo ang DOJ ng hiwalay na panel of prosecutors upang duminig sa reklamo sa harap na rin ng pagpapa-inhibit ng respondents sa mga piskal sa surigao del norte.
“Just because it has reached a level of national importance and it’s really a problem that is deeply rooted in that province it’s better to have an independent panel of prosecutors to look at the case so they objectively assessed the case and all the allegations inside the complaint.” patuloy pa na pahayag ni Clavano
Aminado ang opisyal na masalimuot ang kaso lalo na’t may consent sa pang-aabuso ang mga magulang ng mga batang biktima.
Dahil dito, magkakaroon din na hiwalay na Technical Working Group na bubuin ng DOJ at DSWD para makunan ng testimonya ang mga biktima at complainant.
“We’re forming a task force were forming a TWG to composed of DOJ and DSWD para maganda ang environment kung saan sila magtestify or magbibigay statement para isang beses lang i-perpetualize natin yong testimony nila, gagamitin sa PI, gagamitin sa korte. Para one time lang yong pag-relieve ng trauma. “ dugtong pa ni Clavano.
Sa ulat na mayroon ang DOJ, hindi bababa sa 50 bata ang kasapi sa grupo.
Moira Encina