DOJ planong magharap ng Writ of Kalikasan case laban sa mga responsable sa oil spill
Mahaharap sa Writ of Kalikasan case ang lahat ng mga may pananagutan sa nangyaring oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, ito ay kapag nabigo ang mga ito na gumawa ng kaukulang hakbang sa loob ng 10 araw na itinakda nilang deadline.
Hindi pa tinukoy ni Remulla kung sinu-sino ang mga ipaghaharap ng Writ of Kalikasan case pero papapanagutin aniya ang parehong nasa panig ng gobyerno at pribadong grupo.
Ipinaliwanag ng kalihim na kasama ang mga ahensya ng pamahalaan sa kaso dahil may mga pagkakataon na ang mga pagkukulang ng regulatory bodies ang sanhi ng isang insidente.
Iginiit muli ni Remulla na isang krimen ang nangyari kaya tamaan na ang kailangang tamaan sa paghabol nila sa mga dapat managot.
Moira Encina