DOJ pupulungin ang liderato ng PNP ukol sa findings nito sa 52 anti-illegal drugs operations ng pulisya

Tatalakayin ng DOJ sa pamunuan ng PNP ang resulta ng ginawang pagrebyu ng kagawaran sa 52 anti-illegal drugs operations ng pulisya na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na magpapadala ang DOJ ng sulat sa PNP ngayong linggo para humiling ng pagpupulong upang pag-usapan ang findings at rekomendasyon ng kagawaran sa drug case files.

Gayunman, nakausap na ni Guevarra si PNP Chief Guillermo Eleazar at inabisuhan na kung ano ang nais na gawin ng DOJ at nangako naman ito ng suporta at kooperasyon.

Una nang isinumite ng DOJ kay Pangulong Rodrigo Duterte noong isang linggo ang report nito sa drug case records.

Tumanggi naman si Guevarra na ihayag ang rekomendasyon ng DOJ dahil ayaw niyang pangunahan ang presidente.

Ayon sa kalihim, sa ngayon ay hinihintay nila ang aksyon ng pangulo sa kanilang rekomendasyon.

Matatandaan na lumagda ng kasunduan ang PNP at DOJ para masilip ng kagawaran ang case records ng pulisya sa drug operations.

Ang 52 kaso na nirebyu ng DOJ ay una nang inimbestigahan ng Internal Affairs Service ng PNP.

Nakitaan ng PNP-IAS ng pananagutan ang daan-daang pulis na sangkot dahil sa sinasabing misconduct sa panahon ng operasyon kontra iligal na droga.

Moira Encina

Please follow and like us: