DOJ sinimulan na ang preliminary investigation sa Percy Lapid killing; Pamilya Mabasa, iginiit na hindi pa case closed ang kaso
Gumulong na ang preliminary investigation ng DOJ sa reklamong murder laban sa sumukong gunman at iba pang kasabwat sa pagpatay sa brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Humarap sa pagdinig ang nagpakilalang gunman na si Joel Escorial kasama ang mga police escort.
Dumating rin ang Las Piñas City police na tumatayong public complainant laban kina Escorial at tatlong iba pang respondents.
Ayon sa tagapagsalita ng pamilya Mabasa na si Atty. Berteni Causing, pinanumpaan ni Escorial ang extrajudicial confession nito kung saan inamin nito ang pagpaslang kay Lapid.
No show naman aniya ang iba pang respondents at wala ring abogado na humarap para sa mga ito.
Nagsumite rin aniya ang mga pulis na karagdagang ebidensiya partikular ng ballistic report.
Itinakda ng DOJ ang susunod na hearing sa kaso sa Nobyembre 4 sa ganap 10:00 ng umaga.
Iginiit naman ni Causing na hindi pa case solved ang pagpatay sa brodkaster taliwas sa naging pahayag ng liderato ng Southern Police District.
Aniya, ituturing lang ng kampo ng biktima na case solved or case closed na ang kaso kung mahuli, matukoy at makasuhan ang utak ng krimen.
Hindi rin kumbinsido ang panig ng pamilya Mabasa sa autopsy report ng NBI sa bangkay ng sinasabing middleman ng Bilibid inmate na si Jun Villamor.
Batay sa otopsiya, walang senyales ng external physical injury sa bangkay.
Kinukuwestiyon ng pamilya kung bakit ginawa ang otopsiya sa bangkay pagkatapos ito na embalsamuhin.
Moira Encina