DOJ tinapos na ang imbestigasyon sa mga reklamo laban kay dating PNP Chief Oscar Albayalde at sa mga tinaguriang Ninja Cops
Idineklara nang Submitted for Resolution ng Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong kriminal laban kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde at ang mga tinaguriang Ninja cops kaugnay sa kontrobersyal na 2013 Pampanga Drug raid.
Ito ay matapos maisumite at mapanumpaan nina Albayalde at iba pang respondents na pulis ang kanilang Rejoinder Affidavit.
Bukod kay Albayalde, present din sa pagdinig si Police Major Rodney Baloyo IV at 11 dating niyang mga tauhan.
Tanging si SPO1 Ronald Santos ang hindi dumalo sa mga isinagawang pagdinig ng DOJat nag -waive ng kanyang karapatan na sagutin ang mga alegasyon sa kanya.
Sina Albayalde ay sinampahan ng PNP-CIDG ng mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Anti- Graft Law at iba pa.
Ang grupo ni Baloyo ay inakusahan ng CIDG ng pagrecycle ng iligal na droga na nakumpiska nila.
Isinama sa kinasuhan si Albayalde dahil ito ang Provincial Director ng Pampanga nang mangyari ang maanomalyang drug raid.
Ayon sa CIDG, hindi pinaimbestigahan ni Albayalde sina Baloyo at sa halip ay inirekomenda pang parangalan.
Tinangka rin daw na impluwensyahan ni Albayalde sina dating Region 3 Provincial Director Aaron Aquino at dating CIDG Deputy Director for Operation Rudy Lacadin para hindi maipatupad ang kaso laban kina Baloyo.
Ulat ni Moira Encina