DOJ tiniyak na pananagutin ang mga tauhan ng BI na kasabwat ng ilang Hapon na umano’y nasa likod ng malalaking nakawan sa Japan
Iniimbestigahan na umano ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na posibleng kasabwat ng ilang Hapon na nasa kustodiya nito na itinuturong utak sa serye ng malalaking nakawan sa Japan.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na papatawan ng karampatang parusa ang mga BI personnel kapag mapatunayan na pinayagan ng mga ito ang mga dayuhan na gumamit ng cellphones habang nakapiit sa detention facility.
Aniya, hindi pamamarisan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga nasabing gawain na isang uri ng katiwalian dahil ipinagbabawal ang paggamit ng communication devices sa BI detention facility.
Ayon sa kalihim, batay sa ulat na kaniyang natanggap ay may cellphones nang kinumpiska ang BI kaugnay sa kaso at ang mga ito ay isasailalim sa forensic examination.
Ang kaso ay kaugnay sa pagkakatukoy ng Japanese authorties na galing sa kulungan ng BI sa Taguig City ang IP address ng mga dawit sa mga insidente ng robbery sa Japan.
Kinumpirma ng DOJ na nasa kustodiya ng BI ang dalawang Japanese nationals na itinuturong sangkot sa robbery cases.
Kabilang na rito si Yuki Watanabe na hinihinalang si alyas “Luffy” na lider ng Japanese robbery group na
Nadakip si Watanabe noong 2021 ng mga tauhan ng NBI sa Parañaque City dahil sa sinasabing pag-o-operate ng online fraud syndicate at extortion activities sa bansa.
Siniguro naman ni Remulla na mamadaliin nila ang pagdinig sa mga nakabinbing kaso laban kina Watanabe at sa mga kasamahan nito para agad silang maipadeport.
Hindi sila maaaring maipatapon ang mga dayuhan pabalik ng Japan kapag may pending na kriminal na kaso sa Pilipinas.
Nilinaw naman ng kalihim na ang Japanese authorities ang tanging makapagkukumpirma kung si Watanabe nga ba ang sinasabing alyas Luffy na pinuno ng mga serye ng nakawan sa Japan.
Moira Encina