DOJ, tiwalang ‘di makakaalis agad sa kustodiya ng gobyerno si Shiela Guo kahit bailable ang kaniyang kaso
Hindi agad makakalaya si Shiela Guo sa kustodiya ng estado kahit pa makapagpiyansa sa mga kasong isinampa laban dito.
Ito ang inihayag ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty matapos na kasuhan ng Department of Justice (DOJ) si Guo sa korte sa Pasay City ng mga paglabag sa Philippine Passport Law at Disobedience to Summons na pawang bailable na mga kaso.
Sa panayam ng programang Ano Sa Palagay N’yo (ASPN), sinabi ni Ty na may iba pang kaso na inihahanda laban kay Guo gaya ng money laundering.
“Kampante naman kami na mananatili pa rin sa kustodiya ng estado, bukod sa kasong kriminal na kinakaharap niya, humaharap din sya sa immigration case.” ani Atty. Ty.
May case build-up din aniya laban kina Guo at Cassandra Li Ong kaugnay sa iba pang mga posibleng kriminal na pananagutan ng mga ito.
Ayon pa kay Ty, mag-uusap ang Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa magiging kustodiya kay Guo na isang Chinese national sa oras na matapos ang mga pagdinig ng Senado. Pero posible aniyang ang NBI ang humawak sa kustodiya kay Guo na may pangalan ding Zhang Mier.
“Iisipin na lang namin magiging kasunduan dahil itinuturing namin syang illegal foreign national. Hawak siya ng BI pero nagkakaroon kami arrangement para sa seguridad ng mga banyaga na high profile imbes BI maghawak, i-transfer sa custody ng NBI ” dagdag pa ng opisyal.
Moira Encina-Cruz