DOLE, binatikos sa Senado matapos umalma sa panukalang dagdag P100 sa minimum wage
Kinastigo si Senator Francis Escudero ang Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa pag- angal sa panukalang batas na magdaragdag ng P100 sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na maaaring tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin kapag ipinatupad ang dagdag na P100 sa arawang sahod ng minimum wage earners.
Kuwestiyon ng Senador, bakit tila mga employer at hindi manggagawa ang interes ng DOLE.
Ipinaalala ni Escudero na ang pangunahing tungkulin ng DOLE ay isulong ang kapakanan ng mga manggagawa at hindi para harangin ang anumang legislation na naglalayong mapahusay ang kalagayan ng labor force.
Giit ng Mambabatas, mahabang panahon nang nagtitiis ang ating mga manggagawa kaya sana ay magpasa rin ang Kamara ng kahalintulad na panukalang batas para madagdagan ang sahod ng mga obrero.
Bagama’t pasado na sa Senado ang panukalang legislated wage hike, pero sa ngayon ay hindi pa ito umuusad o hindi pa naaaprubahan sa Kamara de Representantes.
Meanne Corvera