DOLE, hinikayat ang OFWs na samantalahin ang one-time cash aid ng gobyerno para sa kanilang College student na anak
Hinikayat ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga OFW na may anak na nasa kolehiyo na samantalahin ang Tabang OFW Aid Grant ng pamahalaan. Sa ilalim ng nasabing programa, bibigyan ng one time cash assistance ang 30,000 College students na anak ng isang OFW na nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19 pandemic.
Ayon kay Bello, ang assistance ay first come first serve basis kaya naman pinapayuhan nila ang mga OFW na mag-aplay ng maaga sa DOLE Regional offices upang agad na maiproseso ang kanilang ayuda.
Sakop ng grant ang mga gastos sa eskwela gaya ng mga libro o iba pang learning materials, academic, extra curricular expenses at iba pa gaya ng board and lodging, transportasyon at school supplies.
Layon ng Tabang OFW na masigurong hindi matitigil sa pag-aaral ang anak ng mga Ofw na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pandemya.
Paalala ng ahensya, hindi kasali sa mabibigyan ng grant ang mga na-expel sa paaralan o recipient ng kahit anong scholarship grant ng ibang ahensya ng gobyerno.
Madz Moratillo