DOLE itinangging magdudulot ng malawakang job loss ang Department Order 174 ukol sa illegal contractualization
Itinanggi ng Department of Labor and Employment ang babala ng ilang employers’ group na maraming mawawalan ng trabaho dahil sa Department Order 174 para tuldukan ang ‘endo’ at iligal na kontraktwalisasyon.
Ayon kay DOLE Undersecretary Bernard Olalia, lumang istorya na ang sinasabi ng ilang employers na magkakaroon ng malawakang job loss dahil sa D.O 174.
Sinabi ng DOLE official mas mahigpit nang ipatutupad ang Articles 106 at 109 ng Labor Code at ang mga contractualization practices na pinaiikutan ang batas ay bawal na.
Sa ilalim ng kautusan , ipinagbabawal ang labor-only contracting, mahigpit na regulasyon sa kasunduan sa pangongontrata, at pagwawakas sa ‘endo’.
Kaugnay nito, isinasapinal na ng DOLE ang mga panuntunan para sa pagtatalaga sa mga manggagawa sa buong bansa para sa malawakang inspeksiyon ng mga establisyamento sa kanilang pagtupad sa labor laws at iba pang umiiral na kautusan.
Ulat ni: Moira Encina